Nahulihan ng 2.5 kilo ng heroin sa Indonesia, Pinay mabibitay
MANILA, Philippines - Isa na namang Filipina ang mahaharap sa parusang bitay matapos mahulihan ito ng 2.5 kilo ng heroin sa kanyang bagahe habang papasok sa Ngurah Rai Airport sa Bali, Indonesia.
Sa natanggap na ulat kahapon ng Department of Foreign Affairs mula sa RP embassy sa Indonesia, ang naarestong may dala ng 2.5 kilo ng heroin ay si Carolina Sarmiento, 41 anyos. Naaresto ito ng Customs Police noong Martes sa Ngurah Rai Airport.
Si Sarmiento ay agad na inaresto matapos ang isinagawang pagsusuri ng Customs officers sa kanyang luggage ilang minuto lamang pagkababa niya sa nasabing paliparan noong Lunes ng gabi.
Lumabas naman sa report ng The Jakarta Post na nagmula sa Kuala Lumpur, Malaysia si Sarmiento at tinangkang pumasok dala ang 2.5 kilong heroin na nagkakahalaga ng Rp5 bilyon (pera ng Malaysia) o P26.5 milyon papasok sa Indonesia.
Sinabi ng Bali Customs officials na nadiskubre ang heroin habang nakatago sa loob ng hardcase luggage ng nasabing turistang Pinay.
Ang pagkaka-aresto umano sa Pinay ay ang ikalawang insidente ng pagkakasabat sa mga hinihinalang drug mules sa loob lamang ng 24 oras sa Indonesia matapos na matiklo din ng Customs officers ang isang babaeng Malaysian na may dalang 220 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nakatago sa ibaba ng kanyang suot na pantalon habang papasok sa Dumai seaport noong Martes.
- Latest
- Trending