Basyang humina na, klase balik sa normal
MANILA, Philippines - Magbabalik sa normal ngayong Huwebes ang klase sa lahat ng antas ng mga paaralan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan sa tuluyang paglabas ng bagyong Basyang sa bansa.
Bukod sa Metro Manila, may pasok na rin sa lahat ng antas sa mga paaralan sa Region IV-A (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon). Sa Region 3, inaasahan ring babalik sa normal ang klase ng mga mag-aaral maliban sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Sinabi ni Kenneth Tirado, hepe ng Public Information Office ng Department of Education (DepEd), ibinase nila ang desisyon ng pagbabalik sa klase ng mga mag-aaral mula pre-school hanggang high school sa pinakahuling pagtataya ng Philippine Atomospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa pagtataya ng PAGASA, tinatayang nasa 600 kilomentro ng Kanluran ng Iba, Zambales ang bagyo at inaasahang lalabas na sa teritoryo ng Pilipinas. Inaasahan rin na tatanggalin na ang signal no. 1 na nakataas sa Metro Manila.
Gayunman, nakataas pa rin ang babala ng bagyo bilang isa sa Pangasinan, Zambales at Bataan.
Inaasahan ng PAGASA na si Basyang ay aalis na Miyerkoles ng gabi o ngayong Huwebes ng umaga.
Sakaling lilihis ng direksyon ang bagyong Basyang at manatili sa teritoryo ng bansa, sinabi ni Tirado na posibleng magpalabas sila ng panibagong advisory habang maaari rin na magdeklara ang mga local na pamahalaan sa iba’t ibang munisipalidad o lalawigan depende sa magiging sitwasyon. (Danilo Garcia/Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending