MANILA, Philippines - Tinangay ng isang talunang mambabatas ang door knob at carpet ng kaniyang opisina sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ayon sa isang source, mukhang nanghinayang ang mambabatas sa imported na door knob at carpet ng kaniyang tanggapan kaya dinala niya ito sa kaniyang pag-alis.
Nabisto ang ginawa ng mambabatas matapos maglipatan ng kuwarto ang kaniyang mga iniwang miyembro ng kapulungan na inihahanda na ang kani-kanilang mga tanggapan para sa pagbubukas ng sesyon sa Hulyo 26.
Ayon sa staff ng senador na nakakuha sa kuwarto ng talunang mambabatas, nahirapan silang maghanap ng kapalit dahil imported ito at hindi basta-basta nabibili sa mga ordinaryong hardware.
Kitang-kita naman sa iniwang kuwarto nito na mataas ang taste nito sa gamit dahil pati pintura ng kuwarto ay hindi umano ordinaryo na maaaring basta na lamang punasan kung nadudumihan kundi kailangan pang i-retouch.
Hindi naman sigurado kung pera mismo ng mambabatas ang ginamit niya sa pagbili ng imported na door knob at carpet kaya niya ito tinangay sa kaniyang pag-alis.
Kilalang mayaman ang nasabing solon na tumakbo nitong nakaraang eleksiyon pero hindi nanalo.