MANILA, Philippines - Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Coast Guard (PCG) at Enforcement Group (EG) ang dalawang luxury yacht na hinihinalang smuggled.
Iniharap sa media ni BOC Commissioner Angelito Alvarez, PCG Admiral Wilfredo Tamayo at EG Deputy Commissioner Horacio Suansing ang dalawang Yate na may mga pangalang “Pleasure yacht VZR” at Pleasure yacht RDB” na dumating sa bisinidad ng Mall of Asia sa Pasay City gamit ang tatlong imported na OBM engines na mayroong kapasidad na 250 HP.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na ang navigational equipment ng mga yate ay naglalaman ng mga imported markings at ang instructional signs ay nagpapakita na hindi gawang lokal ang nasabing sasakyang pandagat.
Kinumpirma naman ng Customs Enforcement and Security Service (ESS) mula sa umanoy shipbuilder nito na J.A.L Interisland Corp na hindi nito binuo ang nasabing yate tulad ng dokumentong ipinakita nito mula sa MARINA.
Nagpalabas naman ng warrant of Seizure and Detention si Port of Manila District Collector Rogelio Gatchalian laban sa claimant na Bendice Transportation Management dahil sa paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines.
Ito ang kauna-unahang apprehension sa ilalim na bagong BoC chief. ()