MANILA, Philippines - Malaki umano ang maitutulong ng pagkakatalaga ni Naga City Mayor Jesse Robredo bilang kalihim ng Department Interior and Local Government sa pagsugpo ng jueteng sa bansa.
Ayon kay dating Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, si Robredo ang tamang opisyal na dapat na mamuno sa DILG dahil napatunayan na nito ang kanyang galing sa public service. Sinabi ni Cruz na nakakita na siya ng kanyang makakatuwang sa pagsugpo ng jueteng sa iba’t ibang panig ng bansa.
Si Robredo ay opisyal nang itinalaga ni Pangulong Noynoy Aquino bilang hepe ng DILG kung saan nasa ilalim nito ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Matatandaang sinabi din ni Robredo na hindi kukunsintihin ng Aquino administration ang jueteng dahil ito ay illegal at pinalalawak lamang ang kahirapan at korupsiyon sa bansa.
Ang pamamayagpag ng multi-million-peso jueteng operations sa bansa ay pangunahing pinanggagalingan ng kita ng mga corrupt na local politicians.
Aniya, ang pagpapahinto ng mga ito ang paraan upang matigil na ang korupsiyon sa bansa na nagpapahirap naman sa mga mamamayan.