Recount sa protesta ni Mar ibabase sa PCOS machines

MANILA, Philippines - Kahit pa sa Supreme Court (SC), na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) naghain ng kaniyang electoral protest si dating senador at natalong Liberal Party (LP) vice presidential bet Mar Roxas, sinabi ng isang opisyal ng Commission on Elections na ang anumang posibleng recount sa botohan ay ibabase pa rin umano sa isinagawang counting ng mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines.

Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, halos pareho lamang naman ang panuntunan ng poll body at ng PET sa pagresolba ng mga election protest.

Dahil dito, ang PCOS machines pa rin ang gagamitin sa pag-authenticate ng mga balota na isasailalim sa recount.

Paliwanag pa nito, walang probisyon sa guidelines ng Comelec at SC para sa manual count.

Maaaari naman aniyang pag-usapan ng PET ang pagdaraos ng manual recount kung talagang kakailanganin ito.

Batay sa final official tally ng National Board of Canvassers (NBOC) noong nakaraang halalan para sa vice presidential race, si Jejomar Binay, na ngayon ay nakapanumpa na bilang bise presidente ng Pilipinas, ang nanguna sa bilangan kung saan nakakuha ito ng 14,645,574 votes habang si Roxas ay mayroon namang 13,918,490 votes, na pumangalawa lamang.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Comelec Law Department Head Atty. Ferdinand Rafanan, welcome sa kanila ang inihaing petisyon ni Roxas.

Ayon kay Rafanan, makabubuti rin ito para magkaroon ng linaw ang lahat ng patungkol sa ginanap na kauna-unahang automated elections sa bansa noong Mayo 10.

Show comments