MANILA, Philippines - Isang 24-anyos na overseas Filipino worker ang nasawi matapos pagtulungang bugbugin at saksakin ng dalawang Sudanese national sa Kish Island ng Iran.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-ME, kinilala ang Pinoy na si Mark Lloyd Carmen, tubong Western Bicutan, Taguig City.
Si Carmen ay nakatira sa Kish Island at nag-aantay na ng kanyang entry visa patungong United Arab Emirates upang maghanap ng trabaho nang maganap ang pagpatay sa kanya noong Hulyo 1, 2010.
Base sa report, isang Sudani ang naghamon kay Carmen na magsuntukan subalit hindi pinatulan ng naturang Pinoy. Dahil dito, pinagsasampal ng Sudanese si Carmen dahilan upang lumaban na rin ito at nakipagsuntukan. Wala umanong umawat sa gulpihan ng dalawa hanggang sa dumating ang isa pang Sudanese na mabilis na sumugod at inundayan ng saksak ang biktima sa kanyang tiyan.
Mabilis na isinugod si Marcus sa Kish Hospital ng kanyang mga kasamahang OFWs at Iranian subalit idineklarang patay.
Nakikipag-ugnayan na si Monterona sa mga kaanak o pamilya ni Carmen na nasa UAE at sa Pilipinas para sa tulong hinggil sa pagpapauwi sa mga labi ng nasabing Pinoy.