MANILA, Philippines - Naghain na kahapon ng pormal na protesta ang mga abogado ni dating Senator at vice presidential candidate Mar Roxas na kumukuwestiyon sa panalo ni dating Makati Mayor Jejomar Binay bilang Vice-President noong nakaraang May 10 automated elections.
Inihain ang nasabing protesta sa Supreme Court-Presidential Electoral Tribunal (SC-PET) sa pangunguna ng abogado nitong si Atty. Joe Nathan Tenefrancia kung saan hiniling ni Roxas na bilanging muli ang lahat ng boto para sa bise presidente kabilang na ang nasa 3 milyong null votes na hindi binilang noong national canvassing.
Malaki ang tiwala ng kampo ni Roxas na kung mabibilang ang mga nasabing null vote ay lalabas kung sino ang totoong nanalo para sa pagka-bise presidente.
Iginiit ni Tenefrancia na masyadong malaki ang tatlong milyong null votes na hindi nabilang na siguradong makakaapekto sa resulta ng eleksyon gayung nasa 700 boto lamang ang naging lamang ni Binay na nakakuha ng 14,645,574 boto kumpara sa 13,918,490 ni Roxas.
Paliwanag pa ng abogado na nakakapagtaka naman umano na isinantabi ng Comelec ang null votes dahil na rin sa karamihan dito ay balwarte ni Roxas kabilang dito ang Caraga region, Region 6,7 at 8 na kung susumahin umano ay nasa 900,000 ang naging null votes.
Hiniling din ng mga abogado ni Roxas na masusing pag-aralan ang automated elections system na ginamit sa nakaraang halalan.
Bukod sa pagbubukas ng ballot boxes at pagkakaroon ng forensic examination na magbubusisi naman sa security codes, CF card at PCOS machines, nais din ni Roxas na kumuha ng mga independent IT experts mula sa Philippine Computer Society na tutulong na masiyasat ang integridad ng mga ginamit na election paraphernalia na nasa ilalim pa rin ng supervision ng PET at sa oras umano na makumpirma ang integridad ng mga nabanggit ay maaari nang isagawa ang manual counting.
Samantala, nagbayad naman ng P100,000 filing fee at P200,000 na deposito ang kampo ni Roxas para sa kanilang election protest.
Ipinaliwanag ni Tenefrancia na base sa SC Clerk of Court ay nasa P7M ang ginastos noon ni vice presidential bet Loren Legarda sa isinagawang manual count noong 2004 na tumagal ng 3 taon at ito rin umano ang kanilang inaasahang kabuuang magagastos sa kanilang protesta. Gayunpaman ay mas magiging mabilis umano ang gagawing recount dahil sa clustered precincts kung saan 76,000 na lamang umano ang presinto kumpara noong 2004 na nasa 333,000 presinto.
Umabot sa 102 pahina ang inihaing reklamo ng kampo ni Roxas.
Matatandaan na nauna ng sinabi ni Roxas na alam ni Pangulong Benigno “P-Noy” Aquino ang gagawin niyang paghahain ng protesta at naniniwala siyang hindi naman ito makakaapekto sa relasyon ng presidente at bise presidente.
Si Roxas ang naka-tandem ni Aquino sa nagdaang halalan samantalang si Binay naman ay ka-tandem ni dating Pangulong Joseph Estrada.