MANILA, Philippines - Tinanggihan ng mga kapatid at pinsan ni Pangulong Noynoy Aquino na bigyan sila ng VIP treatment sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ilang minuto bago sila sumakay ng eroplano patungong Hongkong, kamakalawa.
Nakita ng mga immigration officers sina Maria Elena ‘Ballsy’ Cruz, Aurora Corazon ‘Pinky’ Abellada at dalawa pang mga pinsan nito na pipila sa may immigration counter sa departure area ng paliparan dakong alas-3 ng hapon para mapabilis ang pagpunta ng mga ito sa boarding gate ng Cebu Pacific flight 5J- 118 na naka-scheduled umalis ng NAIA ng dakong 4:30 ng hapon na maghahatid sa mga ito sa HK.
Ayon sa impormasyon nilapitan at nagpakilala ang dalawang immigration officers kina Ballsy at Pinky para tulungan silang mapabilis ang pag-stamp sa kanilang passport at hindi na maabala.
Inayawan ng magkapatid ang alok ng dalawang immigration officers sa kanila at nagsabing “salamat, pipila na lang kami”.
Nakita rin ang magkapatid na nag-alis ng sapatos at inilagay sa tray ang kanilang kagamitan bago pumasok sa final check-in area ng airport.
Maging ang Airport police sa departure curbside ay hindi pinayagan ng magkapatid na asistihan sila sa pagbuhat at pagbaba ng kanilang bagahe.
Samantala, napaulat na pati si Kris Aquino kasama ang anak nitong si Baby James ay umalis kagabi patungong Amerika.