MANILA, Philippines - Nagparamdam na umano sa Department of Justice ng kahandaang sumuko sa gobyerno si Senador Panfilo “Ping” Lacson upang harapin ang kasong kriminal na isinampa dito kaugnay sa Dacer-Corbito double murder case.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima, hindi direktang ipinadala sa kanya ang surrender feeler pero tumanggi naman nitong tukuyin kung kanino ito ipinadala ng Senador.
Nilinaw naman ng Kalihim na kahit nagpadala ng surrender feeler ang Senador ay hindi ito bibigyan ng special treatment ng gobyerno at sa halip ay dadaan pa rin sa tamang proseso kung saan idederetso ito sa pinakamalapit na piitan at ang kusang loob nitong pagsuko ay isang circumstances na lamang na dapat ikonsidera.
Paliwanag pa ni de Lima, malabong maging state witness si Lacson dahil base sa nakasaad sa batas na dapat ay less guilty ang isang akusado sa kaso.
Pinabulaanan din ni de Lima na dumating na sa bansa at dito na nagtatago si Lacson subalit makikipagpulong umano ito kay Pangulong Noynoy upang pag-usapan ang sinasabing surrender feeler ng Senador at mga hakbang na dapat nilang gawin.
Sinabi ng Kalihim na nakakatanggap siya ng impormasyon gayundin si NBI director Nestor Mantaring na nasa bansa na si Lacson subalit wala pa umano itong kumpirmasyon.
Huli nilang alam ay nasa HK ang senador at nagtungo ito sa Rome.