Kritiko ni GMA publicity lang daw ang habol
MANILA, Philippines - Dapat umanong pairalin ang batas na batay sa ebidensiya at katotohanan at hindi sa kagustuhan lamang ng Sambayanan o ng ilang maiingay na grupo.
Ito ang panawagan ng civic group na Rotary Club Makati Central kay Truth Commission Chairman at dating Chief Justice Hilario Davide kaugnay ng paulit-ulit na pag-akusa sa media ng katiwalian laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo na wala naman anyang ibang dahilan kundi ang pagkauhaw sa publisidad ng mga kritiko nito.
Pinuna ng lider ng grupo na si Nards Tanlu na mismong Senado na at Ombudsman ang nagsiyasat at nagpa-walang sala kina Gng. Arroyo, na ngayon ay isa nang Congresswoman, at sa asawa nito sa umano’y mga katiwalian sa nakanselang NBN-ZTE deal.
“Lahat naman ng testigo ay binigyan ng ilang buwan, hindi lamang araw o linggo kundi buwan, para maglabas ng ebidensya ng kanilang mga paratang,” ani Tanlu.
Subalit hanggang sa tapusin ang mga imbestigasyon, kahit isa sa mga testigo ay wala umanong nailabas na kahit na anong ebidensiya o katibayan kundi ang kanilang mga salita.
Maging ang hindi abugado, ayon kay Tanlu, ay alam na ang batas ay ebidensiya ang pinagbabasehan at hindi salita lamang, lalo pa’t walang ibang makakapagpatunay ng mga salitang ito.
“Kaya’t malinaw na ang tanging hangad ng mga walang tigil sa pag-aakusa sa mga Arroyo ay para lamang mailagay sa mga pahayagan o sa telebisyon, at makondisyon ang isip ng mga tao, ” ayon pa kay Tanlu.
- Latest
- Trending