MANILA, Philippines - Nilinaw ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi maaring gawing passes ni Senador Panfilo Lacson ang pagiging malapit nito sa kasalukuyang administrasyon upang makabalik ito sa Pilipinas.
Sinabi ng Kalihim na hindi patas at makatarungan ang lumabas na pahayag mula sa kampo ni Lacson na lalantad ito dahil sa kakampi niya si Pangulong Noynoy Aquino at magkasama sa Senado ang dalawa.
Iginiit ni De Lima na patas ang hustisya sa bansa at kung sa tingin umano ng Senador na wala itong kasalanan ay maglabas na lamang umano ito ng mga ebidensiya na magpapatunay na inosente siya sa kaso.
Si Lacson ay nahaharap sa kasong murder kaugnay sa pagpatay sa dating PR man na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Nakatakda namang makipagpulong ang Kalihim kay National Bureua of Investigation (NBI) Director Nestor Mantaring para sa update sa lugar na pinagtataguan ng senador.
Magugunita na itinanggi ng NBI na may nagaganap na negosasyon sa pagitan ng ahensiya at ng kampo ni Lacson tungkol sa pagsuko nito dahil sa katunayan umano ay hindi pa nila tukoy kung saang bansa nagtatago ang senador samantalang hindi naman validated ang media report na nasa Malaysia ito.
Sa pinakahuli umanong pakikipag-ugnayan sa International Police (Interpol) ay nasa Rome, Italy si Lacson.