Walang nasawing Pinoy sa Aghan bombing
MANILA, Philippines - Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pinoy na nasawi sa ginawang pagpapasabog ng suicide bomber sa isang compound na ginagamit ng United States Agency for International Aid (USAID) sa Afghanistan, na nagresulta sa pagkamatay ng apat na katao.
Ayon kay DFA spokesperson Ed Malaya, mismong ang Philippine Embassy sa Islamabad na ang nagsabi na walang Pinoy na nadamay sa pambobomba.
Nauna rito, napaulat na kabilang ang isang Pinoy sa apat na katao na nasawi matapos na salakayin ng Taliban suicide bombers ang apat na palapag na gusali ng USAID sa lalawigan ng Kunduz sa northern Afghanistan.
Gayunman, sinabi ni Malaya na isang Pinoy, na kinilalang si Joven Topanan, ay nakabilang umano sa mga nasugatan sa pag-atake at kasalukuyan nang ginagamot sa Provincial Reconstruction Team offices sa Kunduz.
Si Topanan ay nagtatrabaho sa Edinburg International, isang governance at community development program sa Kunduz.
Tiniyak naman ni Malaya na epektibo pa rin ang ban na ipinatutupad ng pamahalaan laban sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Afghanistan.
- Latest
- Trending