MANILA, Philippines - Dalawang suspek na pinaniniwalaang responsable sa pagpatay sa pangunahing testigo sa Maguindanao massacre na si Suwaib Upham alyas Jesse, ang nadakip na ng mga awtoridad.
Sa ulat na ipinarating kay PNP Chief Director General Jesus Verzosa sa Camp Crame, kinilala ang mga nadakip na sina Abdullah Pasawilan, alyas Bedo Pasawilan at Morsed Simpal.
Ang dalawa ay naaresto ng magsagawa ng pagsalakay ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) operatives sa kanilang hideout sa Parang, Maguindanao nitong Biyernes para sa paghahanap sa posibleng ebidensyang magagamit sa pagpatay kay Upham.
Si Upham ang umaming kasama sa nagsagawa ng pagmasaker sa 57 katao na kinabibilangan ng pamilya ni Maguindanao Governor-elect Ismael Mangudadatu, mga mamamahayag at mga abogado.
Napatay si Upham nitong nakaraang Hunyo 14 sa Parang, Maguindanao.
Narekober ng CIDG sa mga suspek ang dalawang kalibre .45 pistola at dalawang granada.
Sina Pasawilan at Simpal ay isinalang na sa provincial prosecutor’s office sa kasong Illegal Possession of Firearms and Explosives.
Dalawa pa sa mga suspek kay Upham ang tinutugis na ng CIDG.
Samantala, naglaan naman ng P28 milyong pabuya ang Department of the Interior and Local Government sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip pa ng may 112 suspek sa Maguindanao massacre.
Sa DILG Memorandum Circulars 2010-53 at 55 na ipinalabas nitong June 29, 2010, ay inaprubahan ang monetary reward na P250,000 sa bawat isa sa 112 na suspek na patuloy na nakakalaya.
Sa 112 suspek, 96 dito ay miyembro ng Civilian Volunteer Organizations at 16 PNP members na natukoy na nag-participate sa nasabing krimen.