MANILA, Philippines - Tatlong Pinay ang iniulat na naaresto noong nakaraang buwan sa Hong Kong at Macau dahil umano sa pagiging drug mule o pagkakasangkot sa drug trafficking.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nakatanggap sila ng ulat mula sa consulate-general ng Hong Kong at Macau na naaresto ang mga Pinay noong Hunyo 2, 24 at 26.
Nakakaalarma umano ito lalo na kung naganap sa bansang China, kung saan ang trafficking ng may 50 gramo ng illegal na droga ay may katapat na parusang 15 taong pagkabilanggo, life imprisonment o kamatayan.
Ayon kay Consul-general Claro Cristobal, noong Hunyo 2 ay naaresto ang isang Pinay na hindi pinayagang makapasok sa Hong Kong matapos mahulihan umano ng 1,040 gramo ng heroin sa sole ng kaniyang sapatos na nakalagay sa kaniyang suitcase sa international airport, na may street value na HS930,000 o US $ 119,500.
Ang hindi pinangalanang Pinay ay nasa ilalim ng custodial remand sa Tail Lam Centre for Women, at ang kaso nito ay nakatakdang isailalim sa pagdinig sa Tsuen Wan Magistrate Court sa Setyembre 2.
Hunyo 24 naman nang maaresto ang ikalawang Pinay matapos na makuhanan ng heroin sa kaniyang body cavity sa Queen Elizabeth Hospital, na aabot sa 876 grams at may tinatayang street value na HK$780,000 o US $100,300.
Ang ikatlong Pinoy ay naaresto naman sa Macau Airport noong Hunyo 26 at nakumpiskahan ng isang kilong illegal drugs na nakita sa kaniyang mga sapatos na nasa kaniyang bagahe.
Tiniyak naman ng DFA na pagkakalooban nila ng kaukulang legal assistance ang mga naarestong Pinay.