'Kasambahay Bill' muling inihain sa Senado

MANILA, Philippines - Umaasa si Senator Jose “Jinggoy” Estrada na makakapasa na nga­yong pagpasok ng 15th Congress ang kaniyang Kasambahay Bill kaya muli niya itong inihain sa Senado.

Ayon kay Estrada, maha­lagang maipasa ang nasabing batas upang mabigyan ng proteksiyon ang mga kasambahay o katulong.

Naaprubahan sa Senado ang nasabing panukala na tinawag na “Freedom Charter for the Household Workers” pero hindi naman pumasa ang counterpart bill nito sa House of Representatives kaya hindi naging ganap na batas.

Sa ilalim ng panukala, ang mga “kasambahay” ay ang sinumang nagta-trabaho sa loob ng isang tahanan na nagbibigay ng serbisyo sa may-ari nito kung saan kabilang din ang mga maids, cooks, houseboys, family drivers, at yayas.

Kung magiging isang batas, magkakaroon na ng written employment contract sa pagitan ng employer at ng kasambahay kung saan nakasaad ang mga sumusunod: Period of employment, monthly compensation, annual salary increase, duties at responsibilities, working hours,  day-off schedule, at living quarters.

Aatasan din ang mga employers na i-enrol ang kanilang mga kasambahay sa SSS at PhilHealth bilang insurance plan holders.

Show comments