Spokesman ni PNoy, 3 oras pinaghintay ang media
MANILA, Philippines - Sumablay kaagad ang tauhan ni Pangulong Benigno Aquino III matapos paghintayin ng tatlong oras ang Malacañang Press Corps para sa kanyang kauna-unahang press briefing dahil nagpa-interbyu muna ito sa isang istasyon ng telebisyon.
Humingi naman kaagad ng paumanhin si Presidential Spokesman Atty. Edwin Lacierda sa mga mamamahayag dahil nabigo itong matupad ang kanyang itinakdang media briefing bandang alas-10:30 ng umaga kahapon sa New Executive Building hanggang sa aminin nitong nagpaunlak kasi siya ng interview sa isang malaking TV station.
“Hindi lamang iisa ang istasyon ng telebisyon sa Pilipinas. Maraming istasyon ng TV kaya hindi dapat siya pumapabor sa iisang istasyon na todo-suporta kasi ang ginawang pagsuporta kay Pangulong Noynoy noong eleksyon,” wika ng isang MPC member.
Ayon naman sa isang reporter, mismong tagapagsalita pa naman ni Pangulong Aquino ang unang bumali sa kautusan ng bagong upong chief executive na walang papaboran o walang padrino system sa ilalim ng P-Noy administration.
Nauna rito, nagwalk-out naman ang mga photographers kabilang ang mga foreign correspondents na dapat ay mag-cover sa courtesy call ng mga foreign dignitaries kahapon ng umaga matapos silang paalisin sa Palasyo dahil hindi daw open for media coverage ito kundi ‘in-house’ lamang.
- Latest
- Trending