MANILA, Philippines - Walang epekto kay Pangulong Aquino ang bantang pagtatatag ng ‘shadow government‘ ni outgoing Defense Secretary Norberto Gonzales na determinadong pangunahan ang bagong hanay ng demokratikong oposisyon.
Sa kauna-unahang pagbisita ni PNoy sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo, sinabi nito na hindi siya nababahala sa gagawing pamumuno ni Gonzales sa binansagan nitong ‘government in waiting‘ na magsisilbi umanong watchdog ng bagong administrasyon.
Pinasaringan pa ni Noynoy si Gonzales na: “So I assume there are some people who would follow Sec. Gonzales and good luck to them. I hope they will be bored in the next six years.”
Sinalungat naman ni Gonzales ang patusada ni Noynoy dahil magiging ‘excited’ umano ang susunod na anim na taon niya kasama ang mga bubuo ng kanyang ‘shadow government’.
Idinagdag pa ni Gonzales na ipabubusisi niya ang resulta ng isinagawang forensic examination sa may 60 PCOs machines na narekober sa Antipolo City noong Mayo na magpapatunay na nagkaroon ng dayaan sa nakalipas na pambansang halalan.