MANILA, Philippines - Mas pinatindi pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang seguridad para sa inagurasyon ni President-elect Benigno “PNoy“ Aquino III sa araw na ito.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP-Public Affairs Office Chief Lt Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., nasa red alert status na ang AFP-National Capital Region Command habang nasa heightened alert ang Police Region 1-8, National Capital Region Police Office, National Headquarters at National Support Units.
Nasa full alert status naman ang Police Regional Office 9-13, Autonomous Region in Muslim Mindanao at Special Action Forces.
Ayon kay Burgos, ang AFP ang unang sasaludo kay PNoy matapos itong manumpa na gagawin sa Quirino grandstand.
Aabot sa 63-gun salute ang ipagkakaloob ng AFP sa naturang makasaysayang okasyon na ikalawang pagkakataon sa bansa simula noong administrasyon ni Manuel L. Quezon sa Commonwealth Republic.
Kabilang dito ang 21-gun salute sa arrival honor kay outgoing President Gloria Macapagal Arroyo, 21-gun salute matapos ang oath-taking ni PNoy at 21-gun salute rin sa departure honor ng dalawang lider ng bansa.
Dalawang barko rin ng Philippine Navy ang magpupugay kay PNoy sa pamamagitan ng ‘fog horn’ habang magsasabog rin ng kulay dilaw na talulot ng mga bulaklak ang dalawang helicopter ng Philippine Air Force na tanging nabigyan ng clearance sa ‘no fly zone area’.
Tatlong batalyon o 3,000 sundalo ang inalerto ng AFP kabilang dito ang Battalion honor guard sa Quirino grandstand, 2 batalyon na magsisilbing augmentation forces sa PNP sa victory party sa Quezon City Memorial circle.
Bagaman at wala silang natatanggap na banta sa seguridad, sinabi ni Burgos na may contingency measures silang inihanda sa mga posibleng ‘worst case scenario’.