MANILA, Philippines - Pabor ang isang Obispo ng Simbahang Katoliko sa programa ni Health Secretary Esperanza Cabral hinggil sa kidney donor registration.
Ayon kay Malolos, Bulacan Bishop Jose Oliveros, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Bioethics, maganda ang layunin ng panukala ni Cabral na magkaroon ng nationwide organ donor registration kaya’t sinasang-ayunan niya ito.
Sinabi ni Oliveros, na miyembro ng Philippine Board on Organ Donation and Transplant na pinamumunuan ni Cabral, na makatutulong ang naturang programa upang maiwasan na ang pagbebenta ng kidney ng mga mahihirap.
Ipinaliwanag nito, hindi tama ang pagbebenta ng kidney dahil nagmimistula nang “mecca’ o capital selling ng kidney ang bansa, lalo na’t dumarayo pa umano dito ang mga dayuhan para bumili ng bato.
Kinakailangan aniya ang registration upang matukoy ang mga available na mga donor at kung sino talaga ang maaaring mag-donate ng kidney.
Naniniwala ang CBCP official na kahirapan ang kalimitang dahilan kung bakit nagbebenta ng kidney ang mga Pinoy na mula sa mga liblib na pook at mga lalawigan.
Aniya, kung magkakaroon lamang magandang programa ang pamahalaan para umunlad ang mga mamamayan sa mga barangay at baryo ay hindi na aabot pa sa punto na dahil sa kahirapan ay ibebenta ng mga ito ang kanilang mga bato.
Pabor din si Oliveros sa panukalang kunin ang bato ng mga tao na biglaang namatay, ngunit dapat aniyang may programa hinggil dito.