Comelec tumangging bilhin ang PCOS machines
MANILA, Philippines - Tumanggi ang Commission on Election (Comelec) na bilihin ang humigit kumulang na 80,000 precinct count optical scan (PCOS) machine na ginamit noong May 10 automated election.
Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, ito ang pinal na desisyon ng Comelec en banc matapos ang ilang pag-uusap.
Sinabi ni Chairman Melo na pinag-aaralan nilang bilhin ang 487 PCOS machine na gagamitin para sa special election at mga electoral protest at kung sakali umano ay posibleng umabot sa US$ 4 million ang kakailanganin nilang bayaran sa Smartmatic.
Ipinaliwanag ni Melo na kasama sa mga dahilan nila kung bakit hindi bibilhin ang mga PCOS machine ay dahil sa ayaw nilang matali sa sistema ng PCOS at sa Smartmatic.
Naniniwala si Melo na pagdating ng 2013 election ay posibleng may mga bagong teknolohiya na mas magandang gamitin.
- Latest
- Trending