MANILA, Philippines - Inirekomenda ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Department of Justice (DOJ) na sumailalim sa hospital arrest at maipagamot sa Armed Forces Medical Center o V. Luna Medical Center si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr.
Base sa medical certificate na pinadala sa DOJ panel of prosecutors ni BJMP Medical officer Supt. Claro T. Mundin, lumitaw sa pagsusuri na ang matandang Ampatuan ay nakakaranas ng sakit na tinatawag na ‘Herpes Zoaster’, isang uri ng sakit na dulot ng virus na kinakitaan ng mga butlig na may pamumutok o pamamaltos ng balat sa likod hanggang sa dibdib nito.
Sinabi ng doctor ng BJMP na kailangan rin ang patuloy na medical check-up ni Ampatuan Sr., ayon na rin sa kahilingan ng consultant mula sa Paranaque Doctors Hospital.
Bago sumailalim sa konsultasyon, si Ampatuan ay limang araw na nakakaranas umano ng pananakit ng likod at dibdib dala ng skin rashes.
Matatandaan na una ng tinutulan ng DOJ ang kahilingan ni Ampatuan Sr. na hospital arrest.gayunman sinabi ni Assistant Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullon na hindi nila tututulan ang pahintulot ng korte na sumailalim ito sa medical checkup.
Sinabi rin ng isa sa abogado ng biktima na si Atty. Michael Mella na kailangan umanong may basehan at kapani-paniwala kung bakit kailangan ang hospital arrest.
Samantala, pawang mga empleyado umano ng pamilya Ampatuan ang pumatay sa isa sa posibleng testigo sa Maguindanao massacre na si Suwaid Upham alyas Jesse.
Ayon kay Atty. Harry Roque, private prosecutor sa Maguindanao massacre, dalawang testigo ang positibong magtuturo sa apat na suspek na pumatay kay Jesse subalit tumanggi munang pangalanan ang mga ito.
Sa kasalukuyan ang dalawang testigo ay nasa kustodiya ng PHilippine National Police (PNP) at nakapag sumite na ng kanilang testimonya kung saan nakasaad umano na ang apat na suspek ay pawang mga empleyado ng pamilya Ampatuan.
Tumanggi naman si Roque na ibigay ang detalye tungkol sa 4 na suspek at maari lamang umanong kilalanin ang mga ito sa sandaling matapos na ang manhunt operation na isinasagawa ng mga otoridad laban sa kanila.
Nauna nang nagpahayag ang pulisya na tinitingnan nila ang love triangle at clan war sa pagpatay kay Jesse na mariing itinanggi naman ni Maguindanao Governor-elect Esmael Mangudadatu.
Si Upham ay isa sa pitong umanoy gunmen sa malagim na Maguindanao massacre noong Nobyembre 23,2009 kung saan 57 katao ang napatay kabilang ang mga miyembro ng media.
Samantala, hiniling din kahapon sa Court of Appeals (CA) ni suspended ARMM Governor Zaldy Ampatuan na ipawalang bisa ang naunang resolution ni Acting Justice Secretary Alberto Agra na nagbibigay ng go signal sa pagsasampa ng kasong 57 counts of murder kaugnay sa Maguindanao massacre.
Base sa 64 pahinang petition for certiorari ni Ampatuan sa pamamagitan ng abogado nitong si Redemberto Villanueva,sinabi nito na nagkamali at umabuso sa kapangyarihan si Agra nang baligtarin nito ang kanyang April resolution na nag-aalis kay Zaldy Ampatuan sa naturang kaso.
Iginiit ni Villanueva, na nilabag ang constitutional right to due process gayundin ang procedural right ni Ampatuan nang hindi ito bigyan ng sapat na panahon na pabulaanan ang affidavit ng bagong testigong si Abdul Talusan.
Hiniling din nito na magpalabas ang Appellate court ng temporary restraining order para sa May 5 resolution na inisyu ni Agra.
Noong May 5 binaligtad ni Agra ang resolution nito kung saan muli nitong isinama si Zaldy Ampatuan at Mamasapano Mayor Datu Akmad Ampatuan Jr sa kasong 57 counts of murder kaugnay sa Maguindanao massacre noong nakaraang taon matapos na magbigay ng testimonya ang isang Abdul at Takpan Dilon na nagturo sa partisipasyon ng dalawang Ampatuan.