MANILA, Philippines - Pinapurihan kahapon ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pagtatatag ng Citizen Crime Watch sa Task Force Bantay Kurakot nito dahil napapanahon anya ito sa kampanya ni President-elect Benigno Aquino laban sa katiwalian sa pamahalaan.
Ang CCW na pinamumunuan ng abogadong si Jose Malvar Villegas Jr. ay bumuo ng TFBK bilang tugon sa panawagan ni Aquino na “Kung walang corrupt, walang mahirap.”
May 700 miyembro ng CCW ang dumalo sa unang pangkalahatang asemblea ng CCW-TFBK sa Hotel Indanah Manila, Ermita, Manila.
Sa naturang okasyon, pinapurihan din ni Villegas ang adbokasya ni Lim sa transparency at mabuting pamamahala sa pamamagitan ng mga anti-graft seminar sa mga pampublikong paaralan sa Maynila.
May 100 volunteer lawyer mula sa University of the East-Law Center sa pangunguna ng pangulo nitong si Ariel Joseph Arias ang dumalo sa pulong at nangakong tutulong sa kampanya ni Aquino laban sa katiwalian.