Sa oath-taking ni Aquino: Bgy. capt. ang hahawak ng Bible hindi si Shalani
MANILA, Philippines - Hindi ang kasintahan ni President-elect Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III ang napili na hahawak ng Bibliya sa oras ng panunumpa nito sa June 30 sa Quirino Grandstand.
Ayon kay Maria Montelibano, pinuno ng inaugural committee ni PNoy, ang napiling bible holder sa inagurasyon ni Aquino ay si barangay chairman Eugenio Perez ng Tarlac.
Naunang sinabi ni Aquino na nais niyang manumpa na lamang sa isang barangay chairman kaysa kay SC Chief Justice Renato Corona. Ang pinili naman ni PNoy para manumpa siya ay si SC Associate Justice Conchita Carpio-Morales pero inimbitahan din naman nito ang lahat ng miyembro ng Korte Suprema kabilang si Corona.
Sa naging tradisyon sa inagurasyon ay ang may bahay o kabiyak ng manunumpang Pangulo ang humahawak ng bibliya.
Sa panunumpa ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay si First Gentleman Mike Arroyo ang humawak ng bibliya habang sa panunumpa ni dating Pangulong Erap Estrada ay si dating Sen. Loi Ejercito-Estrada ang humawak ng bible at si dating First Lady Amelia Ramos ang humawak naman ng bibliya sa panunumpa ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Dahil binata ang ika-15 Pangulo na si Aquino at may kasintahan na si Valenzuela City Councilor Shalani Soledad ay inasahang ito ang mapipiling hahawak ng bibliya sa panunumpa ni PNoy.
Noong proklamasyon ni Aquino noong June 9 sa National Board of Canvassers (NBOC) ay hindi rin inimbitahan si Coun. Shalani upang samahan si Noynoy sa podium at maging sa ginanap na salu-salo sa isang restaurant bilang blow-out ni PNoy sa kanyang mga pamilya at mga kaibigan.
- Latest
- Trending