MANILA, Philippines - Matapos ang ilang buwang pagtatago, nakatakda nang bumalik sa Pilipinas sa susunod na Linggo ang puganteng si Senator Panfilo Lacson kasunod ng inagurasyon ni President-elect Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Ayon sa isang mapapanaligang source ng Star, nasa Malaysia nga yon si Lacson at naghahanda na ng kanyang pagbabalik sa bansa gamit ang “backdoor” upang kaharapin ang kanyang kaso.
Siya ay may nakabinbing warrant of arrest sa Manila Regional Trial Court dahil sa kasong pagpatay kay PR man Salvador “Bubby” Dacer at driver na si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Sinabi pa ng source, nagawang magpalipat-lipat ng lugar ni Lacson sa iba’t ibang bansa simula nang tumakas at pumuslit ito sa Pilipinas noong Enero 5, 2010 patungong Hong Kong.
Nabatid na matagal na nanuluyan si Lacson sa China at saka tumulak patungong Europe partikular sa Italy at Switzerland bago siya nagtago sa Malaysia.
Hinihintay na lamang umano ni Lacson na pormal na maluklok si Aquino bilang bagong Pangulo ng bansa sa Hunyo 30 bago ang kanyang pag babalik sa bansa, ayon pa sa source.
“Aquino and Lacson are allies. And there is a group within the group of President-elect Aquino that is now facilitating the return of Lacson to the country,” anang source.
Naging madulas si Lacson sa kamay ng National Bureau of Investigation na siyang naatasang dumakip sa kanya kasabay ng pag-alerto sa Interpol community.
Idinagdag ng source na ngayong magiging Pangulo na si Aquino ay tinitiyak na mabibigyan ng “preferential treatment” si Lacson dahil sa pagiging magkaibigan at magkasangga ng dalawa sa Senado.