DOJ nagpaliwanag sa itinumbang witness
MANILA, Philippines - Hindi ang Department of Justice (DOJ) ang naglagay sa panganib kaya napatay ang posibleng testigo sa Maguindanao massacre na si Suwaid Upham alyas “Jessie” kundi ang abogado nitong si Harry Roque.
Sa inilabas na tatlong pahinang opisyal na pahayag ni Chief State prosecutor Claro Arellano at ng buong panel, binuweltahan nito si Roque matapos silang sisihin dahil sa hindi paglalagay sa Witness Protection Program (WPP) ni Upham.
Sinabi ng panel sa pangunguna ni State Prosecutor Juan Pedro Navera, hindi binigyan ng pagkakataon ni Roque na ma-interview at ma-evaluate ng DOJ si Jessie dahil hindi nagtutuloy ang kanilang meeting bunsod lamang sa hindi nila mapag- kasunduan kung saan sila magkikita hanggang sa wala na silang narinig mula kay Roque tungkol kay Jessie.
Iginiit din ng panel na hindi ang DOJ ang siyang nag-exposed kay Jessie sa publiko kundi si Roque dahil ito ang nagtakda ng press conference noong Marso 9 at sa katunayan umano ay hindi nila alam ang tunay na pangalan nito at ang oras ng meeting dahil ayaw rin itong ipaalam sa kanila.
Pinagwalang bahala din umano ni Roque ang seguridad ng posibleng testigo dahil maging ang DOJ ay hindi umano alam ang kinaroroonan nito hanggang sa muling bumalik sa Maguindanao si Jessie ay hindi pa rin ito pinagbigay alam ng abogado sa panel.
Nilinaw pa ni Navera na ang pag-evaluate sa isang testigo ay nararapat ng masusing pag-analisa kaugnay sa lahat ng alegasyon nito at dapat din ang background check upang ma determina ang kredibilidad nito at mausisa ang derogatory records nito.
Sinabi pa ni Navera na hindi rin umano maaring maikonsiderang testigo ng Maguindanao massacre ang isang tao dahil lamang sa alegasyon nito at dahil lamang sa idineklara ito ni Atty. Roque sa isang press conference.
Samantala, bukas (Lunes) ay papangalanan na umano ni Roque ang posibleng suspek sa pagpatay kay Upham na positibong itinuro ng mga testigo na nakakita sa krimen.
- Latest
- Trending