MANILA, Philippines - Naglaan na ang Philippine National Police (PNP) ng tumataginting na P33.5 milyong pabuya para sa ikadarakip ng 134 pang suspect sa malagim na Maguindanao massacre na kumitil ng buhay ng 57 katao kabilang ang 32 mediamen noong Nob. 23, 2009.
Ayon kay Deputy Director General Jefferson Soriano, hepe ng PNP Administration, ito’y upang mapabilis ang pagdakip sa mga suspect para mabigyan ng hustisya ang pamilyang inulila ng mga biktima.
Sinabi ng opisyal na sa kabuuang 196 suspects, 64 ang accounted at 134 pa ang pinaghahanap ng batas.
Nabatid kay Soriano na bawat isa sa 134 suspect ay may nakalaang P250,000 reward.
Sa 64 na nasa kamay ng batas, apat lamang dito ang nasa kanilang kustodiya at ang iba ay nasa custody naman ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Samantala para mapabilis naman ang pag-aresto ay nakatakdang ipakalat ng PNP ang mga posters ng 134 suspects na karamihan ay mga miyembro ng Civilian Volunteers Organization (CVOs).
“We will be coming up with the posters of these wanted personalities,” ani Soriano kung saan ang mga poster ng mga nagsisipagtagong 134 ay kanilang ipakakalat sa mga pampublikong lugar sa lalong madaling panahon.
Magugunita na hinarang, dinukot at pinaslang ng mahigit 100 armado ang convoy ng mga mediamen at ng pamilya ng ngayo’y si Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu saka inilibing ang mga biktima sa dalawang malalim na hukay na ginamitan ng backhoe sa Ampatuan, Maguindanao.
Itinuturong mastermind sa krimen ang mag-aamang sina dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr., Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr. dating ARMM governor Zaldy Ampatuan at iba pa.