MANILA, Philippines - Mistulang ipinagkanulo ng sarili nitong abogado si dating Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) Governor Andal Ampatuan Sr. nang madulas ang una at mabanggit sa isang press conference na nakakagamit pa rin ng cellphone ang kanyang kliyente.
Nagpatawag kahapon ng pulong-balitaan ang abogado ng mga Ampatuan na si Atty. Philip Pantojan sa Dusit Hotel, Makati City kung saan pilit nitong sinasabi na walang kredibilidad ang bagong saksi sa karumal-dumal na krimen na si Lacmudin Saliao na unang nag-akusa kay Ampatuan Sr. ng kaugnayan nito sa masaker.
Matatandaan na lumutang si Saliao at sinabing nasaksihan niya ang mga naganap na pagpupulong sa bahay ng mga Ampatuan upang likidahin si Vice-Mayor Toto Mangudadatu at nasa tabi rin siya ng matandang Ampatuan habang kausap ang anak nitong si Andal Jr. bago patayin ang nasa 57 biktima kabilang ang 30 mamamahayag.
Sinabi naman ni Pantojan na hindi na dapat idinawit ni Saliao si Ampatuan Sr. na itinuturing nitong “Ama” dahil sa hindi umano ito magagawa nito lalo na’t higit 10 taon siyang naglingkod dito.
Ayon kay Pantojan, posibleng nais takasan ni Saliao ang kasong isinampa laban sa kanya ng anak ng matandang Ampatuan na si Bay Amira kaugnay sa ginawa niyang pagtangay sa mga alahas nito kaya umano gumawa ng kasinungalingan upang mailagay siya sa witness protection program ng Department of Justice (D0J).
Gayunnmn, inamin ni Atty. Pantojan na tinawagan siya ni Ampatuan Sr. mula sa bilangguan at tinanong kung napanood niya ang interview kay Saliao. Ito’y sa kabila ng paulit-ulit na panawagan ng hindi pagbibigay ng “special treatment” sa mga Ampatuan.
Kaagad namang bumawi ang abogado nang sabihin na posibleng cellphone ng kanyang nurse ang ginamit ng matandang Ampatuan.