Whistle blower sa P6-bilyong Smokey scam balak iligpit
MANILA, Philippines - Nakatanggap na ng pagbabanta sa kaniyang buhay ang isang abogado na nagbulgar ng P6 bilyong Smokey Mountain midnight deal scam.
Sa kanyang liham kay PNP Chief, Director General Jesus Verzosa, humingi ng security escorts si Atty. Ricky Garbillo, legal counsel ng tumatayong complainant na si Allan Pojas dahil nagiging target umano siya ngayon ng pagbabanta upang sirain ang kanyang diskarte sa paghawak sa kontrobersyal na kaso.
Ayon kay Garbillo, ilang ulit na siyang sinusundan ng mga kahina-hinalang mga lalaki na naka-motorsiklo habang siya’y pauwi sa Quezon City simula nang maging abogado siya ni Pojas.
Bukod pa aniya ito sa mga kaduda-dudang sasakyan na napapansing umaaligid sa kanilang bahay na minomonitor ang kaniyang mga pagkilos.
Una rito, nagsampa si Pojas ng kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act at multiple plunder laban sa mga opisyal ng National Housing Authority, Home Guaranty Corporation at sa may-ari ng R-2 Builders sa hindi natapos na Smokey Mountain Development and Rehabilitation Project.
Kinuwestiyon ni Pojas sa Office of the Ombudsman ang pagpapabayad umano ng gobyerno ng paunang P806 million sa R-II Builders kahit mahigit P200 milyon lamang ang nagastos nito bukod pa ang paniningil ng kompanya ng mahigit P4 bilyon sa pamahalaan kahit ang perang ginagamit sa konstruksiyon ay inutang lamang sa Social Security System, Government Service Insurance System, Pag-Ibig Funds at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Tiniyak naman ni Gabrillo na mas lalo niyang ipupursigi ang kaso upang maparusahan ang mga taong sangkot sa pagsasamantala sa kaban ng pamahalaan.
Kabilang sa mga kinasuhan sa Ombudsman ay sina Vice President Noli de Castro, Finance Secretary Gary Teves, NHA General Manager Federico Laxa, HGC officials at sina Reghis at Michael Romero na kapwa may-ari ng R-II Builders.
Sina de Castro at Teves ay kinasuhan sa kapasidad ng mga ito bilang ex-officio at Vice Chairman at Chairman ng HGC.
- Latest
- Trending