Atty. Roque kakasuhan ng DOJ

MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng Department of Justice ang kasong maaaring isampa laban kay Atty. Harry Roque, isa sa abogado sa ilang biktima ng Maguindanao massacre, dahil sa sinapit ni Suwaib Upham o alyas Jessie na pinatay sa Parang, Maguindanao noong Hunyo 14.

Isinisisi kahapon ni Justice Acting Secretary Alberto Agra kay Atty. Roque kaya napaslang ang nasabing testigo sa massacre.

Sinabi ni Agra na parang itinatago ni Roque ang kanyang testigo kung kayat hindi ito nabigyan ng proteksyon ng gobyerno at hindi rin umano ito nakiki­pag-ugnayan sa DOJ upang ma-evaluate ng mga public prosecutor ang impormasyong hawak ng testigo at malagay sa Witness Protection Program (WPP).

Ayon kay Agra, hindi dapat sa isang abogado na irepresenta ang isang killer sa kabila na isa si Roque sa abogado ng ilang biktima sa nasabing massacre kayat nagtataka umano ito at mga government prosecutors sa naging hakbang ng huli.

Ipinaliwanag ni Agra na ang public prosecutors ang may control sa private prosecutors, at hindi tulad ng ginagawa ni Roque na hindi nakikipag-coordinate sa mga Piskal ng DOJ.

Ni minsan anya ay hindi nakipag-ugnayan si Roque sa mga piskal kung kayat hindi dapat sisihin ni Roque ang DOJ.

Sa panig naman ni Roque, sinabi nito na mis­mong si Jessie ang umano’y tumangging humarap sa DOJ dahil sa pangamba na maging ang ahensiya ay naimpluwensyahan din ng mga Ampatuan na siyang tinuturong suspek sa masaker.

Ilang beses na umano narinig ni Jessie sa mga Ampatuan na dati nitong boss na nasa ilalim ng kanilang impluwensya ang DOJ.

Si Upham ay umamin na may partisipasyon siya sa krimen bilang isa sa mga kasapi ng private armed groups ng mga Ampatuan at tinuro ang pamilya Ampatuan na nasa likod ng massacre.

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang DOJ sa lumutang na bagong testigo sa masaker na si Lakmodin “Laks” Saliao umano’y may hawak itong impormasyon na lalong magdidiin sa pamil­ya Ampatuan.

Niliaw ni Agra na dapat munang i-validate ang hawak na impormasyon ni Saliao sa mga naunang testimonya at ebidensya na hawak ng prosecution. 

Samantala, siniguro ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Agra na ligtas ang pangunahing testigo sa massacre na si Kenny Dalandag na nasa kanilang kustodiya.

Sinabi ni Regional Director Ric Diaz, chief ng NBI Counter Terrorism Unit (CTU) na bukod sa seguridad ni Dalandag, binabantayan din ang seguridad ng pamilya nito sa General Santos City.

Si Dalandag ang nagturo kay Zaldy Ampatuan na siyang nasa mansyon ng ama nito nang pagplanuhan ang krimen noong gabi bago maganap ang massacre.

Show comments