MANILA, Philippines - Kinilala ni Department of Transportation and Communication Secretary Anneli Lontoc ang pagtulong ng Private Emission Testing Center (PETC) IT providers para maibsan ang problema sa mauusok na sasakyan sa mga lansangan.
Sinabi ito ni Lontoc sa ginanap na forum sa Department of Environment and Natural Resources hinggil sa Clean Air Declaration 10 sa DENR office sa QC nitong Martes.
Ang isang sasakyan bago maisyuhan ng certificate of compliance ng private emission testing center ay kailangan muna itong i-validate sa IT provider ng PETC upang matiyak na hindi ito nandaya sa pagsusuri ng usok ng sasakyan. Sinabi ni Lontoc na basta’t kung ano ang sinasabi ng batas para maibsan ang polusyon sa hangin, ito ay kanilang susundin tulad anya ng pinatinding kampanya sa emission program, pagtatayo ng anti-smoke belching unit, pag-modernize sa motor vehicle inspection ng LTO, pagsasagawa ng road side testing kasama ang DENR at LGUs para ma-impound ang mauusok na sasakyan.
Ayon pa kay Lontoc, dapat ding makipagtulungan ang mga car owners na maiwasan ang pagkakaroon ng mausok na sasakyan sa pamamagitan ng pagpapasuri ng usok ng sasakyan at kung may aberya ay iayos at tiyakin din kung ito ay road worthy.
Sa ilalim ng DOTC joint administrative 1, binibigyan ng ahensiya ng kapangyarihan ang mga PETC IT providers na makipagtulungan sa pamahalaan para maibsan ang mauusok na sasakyan na irerehistro sa LTO.