MANILA, Philippines - Inamin ng inaugural committee ni President-elect Benigno Aquino III na wala pang katiyakan kung sino ang hahawak ng Bible sa panunumpa ni PNoy sa darating na June 30.
Sinabi ni Manolo Quezon III, spokesman ng inaugural committee, kadalasan ang humahawak ng Bibliya ay ang kabiyak ng nanalong Pangulo.
Wala pang asawa si Aquino subalit mayroon itong kasintahan, si Valenzuela City Councilor Shalani Soledad.
Ayon kay Quezon, hindi pa nagbibigay ng abiso ang pamilya Aquino kung sino ang pahahawakin nila ng bibliya sa panunumpa ni PNoy.
Sa mga nakalipas na inagurasyon ng mga Pangulo ay ang kabiyak nila ang humahawak ng bibliya tulad ni Pangulong Arroyo na si FG Mike Arroyo ang may hawak ng bible noong manumpa ito sa Cebu City noong 2004.
Sa panahon naman ni dating Pangulong Estrada ay si First Lady Loi ang humawak ng bible noong 1998 at si First Lady Amelia Ramos naman ang may hawak ng bible ng manumpa si dating Pangulong Fidel Ramos noong 1992.
Magugunita na maging sa proklamasyon ni PNoy sa Kongreso ay hindi din pumanik sa rostrum ng Batasang Pambansa si Coun. Shalani subalit naroon siya sa VIP benches ng Kamara.
Sinabi ni Shalani na walang nag-imbita sa kanya para pumanik sa podium at sumama sa pagpapakuha ng litrato.
Sa kauna-unahang press conference naman ni Aquino matapos siyang iproklama ng National Board of Canvassers ay sinabi nitong pahuhulaan muna niya kay Madam Auring kung may mangyayaring kasalan sa Malacanang sa kanyang termino.