MANILA, Philippines - Tinanggap na ni De La Salle University president Armin Luistro ang imbitasyon ni President-elect Benigno Aquino III na pamunuan ang Department of Education (DepEd) kapalit ni Secretary Mona Valisno.
Sa isang statement ng DLSU, sinabing dumaan sa konsultasyon ang naging desisyon ni Bro. Luistro bago tanggapin ang alok ni PNoy na maging DepEd chief.
“After due consultation with various stakeholders in the Lasallian community, Bro. Armin Luistro has accepted the invitation of President-elect Aquino to be the Department of Education (DepEd) secretary,” ayon sa pahayag ng DLSU.
Nabatid na may malalim na ugnayan ang pamilya Luistro sa pamilya Aquino dahil sa pagiging aktibo sa simbahan ng yumaong si dating Pangulong Corazon Aquino. Isa ring matibay na oposisyon si Luistro ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at isa sa nanawagan na bumaba ito sa puwesto.
Magsasagawa naman ng masusing “selection process” ang board of trustees ng DLSU upang makakuha ng hahalili kay Luistro.
Bukod kay Luistro, una nang naging kalihim ng DepEd ang namayapang si Bro. Andrew Gonzalez sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Si Luistro ang pang-anim na opisyal na miyembro ng Aquino Cabinet. Ang iba pang mga kumpirmadong miyembro ng Gabinete ni PNoy ay sina Atty. Paquito “Jojo” Ochoa, executive secretary; Atty. Edwin Lacierda, presidential spokesman; Corazon “Dinky” Soliman, DSWD; Teresita Deles, Presidential adviser for peace process at incumbent Commission on Human Rights (CHR) chief Leila De Lima bilang susunod na DOJ chief. (Rudy Andal/Danilo Garcia)