MANILA, Philippines - Ipatutupad ang ‘no fly zone‘ sa venue ng oath-taking nina incoming President Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III at vice president-elect Jejomar Binay at pansamantala ring ipagbabawal ang paglalayag sa bahagi ng Manila Bay upang matiyak ang seguridad ng mga ito sa gaganaping inagurasyon sa Hunyo 30.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni National Capital Region Police Office Chief Director Roberto Rosales na 5,500 ang idedeploy ng NCRPO para sa inagurasyon nina Aquino at Binay sa Quirino grandstand sa Maynila at sa victory party ng partido nito sa Quezon City circle sa Hunyo 30.
Umpisa rin sa Linggo (Hunyo 27) ay isasailalim sa heightened alert ang puwersa ng NCRPO at depende sa monitoring kung itataas nila sa full alert status.
Bantay sarado rin sa mga raliyista ang Chino Roces sa Mendiola, Roxas blvd. sa may US Embassy at gayundin ang Manila Memorial Park sa Paranaque na balak puntahan ni PNoy para sa araw ng kaniyang panunumpa bilang ika-15 Pangulo ng bansa.
Tiniyak naman ng Department of Public Works and Highways na tuloy na sa Linggo ang gagawing nilang turn-over ng Quirino Grandstand.
Ayon kay DPWH undersecretary Romeo Momo, tapos na ang kanilang renovation sa venue at maaari na aniya itong mai-turn-over sa inauguration committee.
Sinasabing P200 million ang ginastos ng gobyerno para ayusin at kumpunihin ang makasaysayang grandstand.
Nabatid naman kay inauguration committee spokesman Manolo Quezon, maliban sa 1,500 VIP seats at karagdagang accommodations para sa tinatayang 15,000 katao, mayroon ding mga wide-screen television units ang ikinabit para sa kapakanan ng mga manonood.
Pinag-usapan din ang seguridad at ang daloy ng trapiko kasabay ng isasagawang inagurasyon.
Aminado si Quezon na mabusisi ang pag-uusap ng iba’t ibang ahensya na tatanggap ng mga opisyales. Ang Department of Foreign Affairs ang namamahala para naman sa mga foreign guests.