MANILA, Philippines - Pinalagan kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel ang mistulang pag-iitsapuwera ng ilang senador kay Senator Manny Villar sa labanan ng senate president.
Partikular na pinatamaan ni Pimentel si Senate President Juan Ponce Enrile dahil tanging sina Senator Francis “Kiko” Pangilinan at incoming senator Franklin Drilon lamang ang ikinokonsidera nitong mananalo sa labanan ng senate president.
Ayon kay Pimentel, kung tutuusin ay may mas solidong botong makukuha si Villar dahil siyam na senador na ang sumusuporta sa kaniya at apat na senador na lamang ang kailangan upang maluklok siya sa puwesto.
Sabi ni Pimentel, sa Senado ay walang maaaring mag-clain na mayroon na silang bloke at kailangan pa rin ng mga kakampi mula sa ibang grupo upang maipanalo ang senate presidential race.
Ipinunto pa ni Pimentel na problema ngayon ng Liberal Party ang namumuong hidwaan lalo pa’t magkakalaban sina Drilon at Pangilinan na kapwa miyembro ng partido.
“Sa LP ang problema nila ay nag-aaway sina Frank at Kiko. Si Drilon suportado ni Mar, si Kiko suportado ng ibang grupo,” sabi ni Pimentel.
Delikado aniyang maungusan pa ni Villar sina Drilon at Kiko dahil solido na ang suporta nito sa mga kakamping senador.
“Sa tingin ko lang, Manny is still the man to beat,” sabi ni Pimentel.