MANILA, Philippines - Bawal nang manigarilyo ang Muslim.
Nakasaad sa ipinalabas na Islamic ruling o Fatwa kahapon ng Supreme Council of Darul Ifta of the Philippines sa Cotabato City sa pangunguna ni Grand Mufti Sheikh Omar Pasigan, ang paninigarilyo ay ikinokonsiderang “haram” o bawal kung saan sinasabi ding walang Muslim ang dapat na mag-manufacture, bumili, magbenta at magpromote nito dahil ito ay isang kasalanan.
Ikinagalak naman ng Department of Health (DOH) at ng mga anti-tobacco advocates ang Fatwa.
Ayon kay Health Secretary Esperanza Cabral, wala namang naidudulot na kabutihan ang paninigarilyo kumpara sa pagtigil sa paninigarilyo na nakakabawas ng health risk.
Sa ilalim umano ng Islamic Ruling, ang paninigarilyo ay masama sa Sharia’h o Islamic Jurisprudence dahil ito ay marumi bunsod na rin ng mga nakamamatay na kemikal.
Giit pa ni Cabral, na ang sigarilyo ang natatanging consumer product na delikado hindi lamang sa naninigarilyo kundi maging sa nakakalanghap ng usok nito.
Lumilitaw na 10 Filipino ang namamatay bawat oras dahil sa paningarilyo.