MANILA, Philippines - Napaluha si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Delfin Bangit sa ginanap na turn-over ceremony kahapon kaugnay sa maaga nitong pagreretiro sa serbisyo.
Sa kaniyang talumpati, nagbabala si Bangit sa susunod na administrasyon na isang mapanganib na hakbang ang pagpapalit ng Chief of Staff sa tuwing may bagong papasok na administrasyon dahil nakakaladkad sa pamumulitika ang mga opisyal ng AFP para lamang sa kanilang promosyon.
“It is not good for the AFP to be embroiled in a controversy like what happened here. This is a first time, and my concern is that this might set a dangerous precedence. What happened to me may happen to any Chief of Staff who may be in the position during a transition of government,” ani Bangit sa 120,000 malakas na puwersa ng AFP.
Aniya, hindi co-terminus ng Pangulo ang Chief of Staff dahil sinisira nito ang nakaugaliang tradisyon sa AFP at nagdesisyon siyang magretiro ng maaga para sa ikabubuti ng organisasyon.
Isinalin ni Bangit ang kapangyarihan kay Lt. Gen. Nestor Ochoa na magsisilbing caretaker sa kapasidad nito bilang Acting Chief of Staff hanggang sa pormal na iluklok ni President-elect Noynoy Aquino ang kaniyang choice na AFP chief sa ilalim ng kaniyang administrasyon.