MANILA, Philippines - Naglipana pa rin umano ang mga fixers sa ibat ibang tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa bansa laluna sa Metro Manila kahit na ipinagmamalaki ng IT provider ng ahensiya, ang Stradcom Corporation, na may mahusay na sistema sila para pangalagaan ang interes ng taumbayan laluna ng mga motorista nationwide.
Sinasabing kahit computerize na ang sistema ng ahensiya, hindi pa rin nawawala ang mga fixers na nanamantala ng mga mangmang na mamamayan na nais kumuha ng lisensiya at magparehistro ng kanilang sasakyan sa LTO dahil sa ilang tiwaling tauhan ng Stradcom na nalalagyan umano para mag-hokus pokus sa data base ng LTO.
Ang mga side support ng Stradcom ang humahawak sa data base ng LTO na naglalaman ng lahat ng record ng mga naipaparehistrong sasakyan at mga kumukuha ng drivers license.
Bunsod nito, nanawagan ang militanteng transport group na PISTON kay President-elect Noynoy Aquino na busisiing mabuti ang kontrata ng Stradcom sa LTO.
Naghinala ang naturang grupo na maaaring may kinalaman din ang ilang tauhan ng Stradcom sa umano’y mga nagaganap na kambal plaka o nadodoble ang isang car plates para sa dalawang sasakyan at pagrerehistro ng mga smuggled cars.
Una nang binalaan ni LTO Chief Alberto Suansing ang kanyang mga tauhan na kakasuhan at sisibakin sa trabaho oras na mapatunayang nagkasala sa pagtupad sa tungkulin. May mahigit 30 na ring mga fixers ang naipahuli ni Suansing.