GMA, First Gentleman di pa lusot sa ZTE

MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng natalong senatorial bet Joey de Venecia na ipupursigi niyang masalang sa karampatang paglilitis ang tunay na utak sa kontrobersyal na multi-milyong dolyar na ZTE-National Broadband Network deal.

Inihayag ito ng nakababatang de Venecia nang dumalaw kahapon sa tanggapan ng Star Group of Publications at nakipag-usap sa mga editors. Magugunita na inabsuwelto kamakailan ng Office of the Ombudsman sina Presidente Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo at ang tanging sinampahan ng kaso sa Sandiganbayan ay sina dating COMELEC Chairman Ben Abalos at dating National Economic and Development Authority (NEDA) Director na ngayo’y pinuno ng Social Security System na si Romulo Neri. Inakusahan si Abalos na siyang namagitan sa naturang deal at sinuhulan si Neri.

Nakatakdang tumestigo muli sa Sandiganbayan si de Venecia sa pagsisimula ng pagdinig sa kaso ano mang araw mula ngayon.

Nalungkot si de Venecia na dalawang maliliit na isda lang ang sinampahan ng kaso at nakalusot ang mga dapat managot. “If need be, I will press for the indictment of these people,” ani de Venecia.

Nagpahayag naman ng pag-asa si de Venecia na sa pagpasok ng bagong Kongreso, itutuloy ng mga Kongresista ang pagbusisi sa kaso upang lumabas ang katotohanan hinggil sa posibleng pagkakaugnay ng Pangulo na uupong Kongresista ng Pampanga at ng asawang si Mike Arroyo.

Samantala, nag-isyu na kahapon ng hold departure order (HDO) ang Sandiganbayan 4th at 5th division laban kina Abalos at Neri.

Si Neri ay nauna nang nagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan habang si Abalos ay nagpiyansa na rin kahapon. Nakatakda ang arraignment ni Neri sa Hul­yo 16. (May ulat ni Gemma Garcia)

Show comments