Kris, nangangako ng posisyon sa mga senador?
MANILA, Philippines - Patuloy umano ang ginagawang pakikialam ng bunsong kapatid ni president-elect Benigno Simeon “P-Noy” Aquino III na si Kris Aquino sa kahihinatnan ng gagawing pagpili ng bagong lider ng Senado sa pagpasok ng 15th Congress kung saan ipinapangako na umano nito ang mga Commitee Chairmanship sa Senado.
Ayon sa isang source, patuloy na inilalakad ni Kris ang pambato ng Liberal Party na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan para maging susunod na Senate President.
Kabilang umano sa mga tinawagan na ni Kris ay ang mga senador na mula sa showbiz na kinabibilangan nina Senate Pro-Tempore Jose “Jinggoy” Estrada, at sina Senator Lito Lapid at Ramon “Bong” Revilla Jr.
Ayon sa source, ipinangako ni Kris na kung susuportahan ng tatlo si Pangilinan ay mananatili sila sa kani-kanilang posisyon.
Mananatili umanong Senate Pro-Tempore si Estrada, samantalang chairman naman ng Department of Public Woks at Public Services si Revilla; at Games, Amusement and Sports naman si Lapid.
Ayon pa sa source, ilang beses na rin umanong tinangka ni Kris na tawagan si Senator Juan Miguel Zubiri pero palaging nada-divert ang tawag nito sa Chief of Staff ng senador.
Habang papalapit ang pagbubukas ng 15th Congress ay lalo naman lumalakas ang ugong sa Senado na may sapat na bilang na umano si Pangilinan bilang susunod na senate president.
- Latest
- Trending