Malacañang pinagpapaliwanag sa ads
MANILA, Philippines - Kinukuwestiyon kahapon ng isang Senador ang ginagawang paggastos ng Malacañang sa mga naglalabasang advertisement sa telebisyon na nagpapakita ng mga magandang nagawa ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo habang nakaupo ito sa puwesto.
Naniniwala si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na malaki ang nagastos ng gobyerno para sa mga patalastas na dapat aniya’y nagamit sa mga proyektong mapapakinabangan ng mga mamamayan.
Sinabi ni Pangilinan na maliwanag na paglulustay lamang ito ng milyong pisong pera ng taumbayan ang ipinalabas na advertisements bagay na hindi naman dapat ipagmalaki pa ng administrasyon dahilan marami itong kinakaharap na kontrobersya.
Kabilang na rito ang NBN-ZTE Deal, Fertilizer Fund scam, North Rail Project scam, Macapagal Highway scam, Kotongan sa World Bank Funded Project, Hello Garci scam at iba pa.
Sa kabila ng batikos ni Pangilinan, ipinagtanggol naman ni Senate President Juan Ponce Enrile ang ginawang patalastas ng palasyo ng Malacañang.
- Latest
- Trending