Sa P6 bilyong Smokey Mountain scam: Plunder, graft vs Noli de Castro, NHA officials
MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong plunder at graft sa Office of the Ombudsman si Vice President Noli De Castro, Finance Secretary Gary Teves, mga opisyal ng National Housing Authority (NHA), Home Guaranty Corporation (HGC) at ang may-ari ng R-II Builders kaugnay ng umano’y scam sa midnight deal sa P6 bilyon Smokey Mountain Development Reclamation Project (SMDRP).
Sa 22 pahinang rek lamo na isinampa ni Allan Pojas Ramos, tinukoy nito na bukod kay De Castro, kasama rin sa mga kinasuhan sina NHA General Manager Federico Laxa, HGC officials at sina Reghis at Michael Romero na kapwa may-ari ng R-II Builders.
Sina de Castro at Teves ay kinasuhan sa kapasidad ng mga ito bilang ex-officio at Vice Chairman at Chairman ng HGC.
Sa pamamagitan ng abogado ni Ramos na si Atty. Ricky Gabrillo, sinabi nito na lantarang nilabag ng mga sangkot sa eskandalo ang Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Republic Act 7080 o mas lalong kilala bilang Plunder Law.
Ayon kay Gabrillo, aabot sa mahigit P4 bilyon ang gustong pabayaran ni De Castro sa R-II Builders sa pamamagitan ng Memorandum nito kay Pangulong Arroyo gayong hindi naman nito nakumpleto ang proyekto.
Sa pamamagitan ng nabistong Memorandum of Agreement at Compromise Agreement, sinabi ni Gabrillo na malaki ang malulugi ng gobyerno dahil babayaran ng NHA ang construction company ng mahigit apat na bilyong piso gayong mahigit P200 milyon lamang ang naipuhunan nito.
Sinabi pa ni Gabrillo na nauna nang binayaran ng gobyerno ang R-II Builders ng P806 milyon para sa kontrata nitong Smokey Mountain development, kabilang na ang pagpapatayo ng low-cost housing.
Kung nalagdaan ang MOA, sinabi ni Ramos na mawawalan ng pananagutan ang R-II Builders sa ilalim ng Joint Venture Agreement dahil wala itong natupad sa kanilang nilagdaang kontrata sa pamahalaan.
Sa pahayag naman nina De Castro at Atty. Jerome Canlas legal council ng R-II Builders, sinabi nilang walang katotohanan ang alegasyong ito at walang midnight deal na nangyari dahil 2005 pa ang transaksiyon.
- Latest
- Trending