MANILA, Philippines - Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong murder laban kay dating Bangued, Abra Mayor Dominic Valera na inakusahang pumatay sa tagasuporta ng kaniyang karibal sa pulitika noong Abril dahil sa kakulangan ng sapat na batayan.
Sa resolusyon na may petsang Hunyo 15, 2010, na nilagdaan nina State Prosecutors Roberto Lao, Aileen Marie Gutierrez at State Pros. Grace V. Cruz, ang naiprisinta ng Philippine National Police (PNP) na testimonial evidence ay hindi magkatugma sa pisikal na ebidensiya.
Iniutos na rin ng DOJ sa PNP na palayain si Valera at kapwa akusado nitong si PO2 Joseph Barreras.
Nilinaw ng abugado ni Valera na si Atty. Raymond Fortun na ang naganap na shooting incident ay bunga din ng tangkang pagpatay sa kaniyang kliyente (Valera).
Iginiit ni Fortun na ang mga unang pagputok ay nagmula sa likuran at natamaan pa umano ang mga sasakyang convoy ng kampo ni Valera habang nasa campaign sortie ito sa Barangay Cosili West.
Nang atakihin umano si Valera na nasa loob ng sasakyan niya ay lumabas ito at tumakbo sa kalapit na kabahayan, kung saan ito nadatnan ng rumespondeng mga pulis.
Una nang nag-negatibo si Valera sa gunpowder burns o nitrate residue maging ang escort na si PO2 Barreras nang isangkot sa pagkamatay ni Mario Acena, ang tagasuporta ng karibal sa pagka-alkalde na si Ryan Luna.