Mababang conviction o hatol sa human trafficking pinuna ng US
MANILA, Philippines - Hindi tamang sistema sa hudikatura at mababang conviction o hatol sa hukuman kaugnay sa mga kasong human trafficking kayat napasama ang Pilipinas sa watchlist ng US State Department na talamak ang human trafficking.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Anti-Human Trafficking Task Force Chief, Assistant Chief State Prosecutor Severino Gana, base sa liham na ipinadala ng Estados Unidos sa DOJ, nais nila na maitaas ang bilang ng nahahatulan sa mga nasasangkot sa ganitong uri ng kaso.
Batay sa report na pinadala ng US Embassy sa DOJ, apat lamang ang conviction sa mga kasong human trafficking sa buong bansa sa taong 2008 at noong 2009 ay 18 lamang ang nahatulan kayat hindi umano kuntento ang US sa bilang na ito.
Nagtataka rin umano ang US State Department kung bakit walang nahahatulan na kasong may kaugnayan sa labor at puro tungkol sa sex trade.
Bukod dito hinahanap din ng US State Department ang conviction ng mga government official na nasangkot sa trafficking at corruption.
Sinabi ni Gana na sakaling madagdagan ang conviction sa mga pending cases sa mga korte ay malalabas na ang Pilipinas sa naturang watchlist.
Nangangamba ang DOJ na mapagkaitan ng non–humanitarian at non-trade foreign assistance ang Pilipinas kung hindi maaalis sa listahang ito.
- Latest
- Trending