MANILA, Philippines - Makaraang maputulan ng kuryente ang QC Kamuning police dahil sa P5 milyong utang sa kuryente mula 2005, posibleng mawalan din ng ilaw ang buong police district sa Metro Manila bunga na rin ng P222 milyon pagkakautang sa Meralco.
Bukod sa Kamuning Police station, nakatanggap na rin ng notice of disconnection ang Camp Karingal, Station 3 sa Novaliches, ayon sa ulat mula kay Supt. Rommel Miranda ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Napag-alaman kay Supt. Miranda, sa Manila Police District ay hindi rin nababayaran ng mga police stations ang P81 milyon electric bill ng Meralco pati na ang Southern Police District na sakop ang anim na siyudad ay may pagkakautang din sa kuryente sa halagang P52 milyon.
Umaabot naman sa P45.2 milyon ang pinagsamang utang sa Meralco ng Northern at Eastern Police Districts.
“These debts have accumulated for more than 10 years. We are doing what we can to solve this problem,” ayon kay Miranda.
Kasabay ng direktiba ni NCRPO Director Roberto Rosales sa buong kapulisan sa Metro Manila hinggil sa energy savings campaign ay nanawagan siya ng tulong sa PNP headquarters sa Camp Crame.
Humingi na rin ng tulong ang NCRPO sa local na pamahalaan para mabayaran na ang Meralco bills sa mga police stations sa buong Metro Manila.