MANILA, Philippines - Lalo pang dumami ngayong pasukan ang bilang ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan matapos na maglipatan ang mga nasa pribadong eskwela dahil sa nararanasang kahirapan sa bansa.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Mona Valisno na umaabot ng mahigit sa 20.17 milyong estudyante o 86 porsiyento ang nag-enroll ngayon sa pampublikong paaralan kumpara sa 3.26 milyon o 14 porsiyento lamang sa private schools.
Noong 2009-2010 school year, nasa 19.46 milyon ang mag-aaral sa mga pampublikong elementarya at high school habang 2.98 milyon naman sa mga pribadong paaralan.
Sinabi pa na ang dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga enrollees sa public school ay dahil umano sa maraming mag-aaral mula sa private school ang patuloy na naglilipatan dala na rin ng mataas na matrikula.
Nauna ng nagpahayag ng pangamba ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) hinggil sa mistulang taun-taon ay parang nagiging tradisyon na mala-down trend sa enrollment sa mga pribadong eskwelahan at ito’y malinaw umanong dahil sa mas tumitinding kahirapan sa bansa.
Samantala, patuloy pa rin ang enrollment sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Nabatid na tatagal ang enrollment hanggang Hunyo 30, upang bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na nahuli sa enrollment at nais pa ring pumasok sa eskwelahan na bahagi ng “education for all” na programa ng pamahalaan.