MANILA, Philippines - Binaril ng apat na kilabot na carjackers ang bayaw ni Presidential Daughter Luli Arroyo-Bernas matapos pumalag na ibigay ang van nito sa mga suspek sa C5 Road, Pasig City kahapon ng umaga.
Sa report ng Pasig City Police, dakong alas-5:15 ng umaga ng harangin ng apat na armadong suspek ang van ng biktimang si Jorge Bernas, 41 anyos, kapatid ni John Aloysius Bernas, ang manugang ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa anak na si Luli.
Ayon sa imbestigasyon, si Bernas kasama ang misis nitong si Jo Analise, 42 at mga anak na sina Arianne, 12 anyos at Antonio gayundin ang kanilang driver saka houseboy ay lulan ng Hyundai Starex van na may plakang ZLE-801 ng mangyari ang insidente sa panulukan ng C-5 at Ortigas Avenue sa Brgy. Ugong sa lungsod ng Pasig.
Nabatid na ang mag-anak ay sinundo ng kanilang driver at houseboy sa airport at pauwi na sa kanilang tahanan sa Green Meadows subd. sa Quezon City nang sundan ng mga carjackers na natipuhan ang magarang sasakyan ng mga ito.
Ang mga suspek ay sakay naman ng kulay puting Toyota Hi-Ace van na bahagyang binunggo pa ang kanang bahagi ng Starex bunsod upang bumaba ang biktima at ang driver nito.
Dito na nagsibaba rin ang mga armadong suspect at tinutukan ng baril ang biktima. Nanlaban umano si Jorge na sumisigaw pa ng saklolo habang puwersahang inaagaw ng mga carjackers ang sasakyan nito kaya binaril ito na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa tiyan at isa sa kaliwang braso.
Duguang napalupasay sa kalsada si Bernas kung saan kinomander ang Starex van sakay ang kaniyang pamilya at houseboy na pinababa ng mga suspect sa Edsa sa kanto ng Estrella St., sa Makati City.
Isang jeepney driver na nakilalang si Efren Gereda ang nakakita kay Bernas na nagmalasakit na isugod ito sa pagamutan.
Ang biktima ay idineklarang nasa ligtas ng kalagayan matapos na isugod sa Medical City Hospital.
Bunsod nito, inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa ang malawakang hot pursuit operations laban sa apat na suspect.
Naglabas rin ito ng direktiba kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Roberto Rosales para sa isang all–out campaign at puspusang operasyon laban sa mga big time carjackers at iba pang kriminal sa Metro Manila.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito upang matukoy at maaresto ang grupo ng mga big time carjackers na responsable sa insidente.