MANILA, Philippines - Kasabay ng inagurasyon ni President-elect Noynoy Aquino sa Hunyo 30, magpapatupad naman ang Toll Regulatory Board (TRB) ng matinding pahirap sa mga motorista sa inaprubahang 250% toll increase sa South Luzon Expressway (SLEX).
Ikinatwiran ni Julius Corpuz, tagapagsalita ng TRB, na kailangan ang pagtataas upang mabawi umano ang ginastos sa konstruksyon at rehabilitasyon ng mga kalsada ng SLEX mula Filinvest hanggang Calamba, Laguna kung saan buhat sa dating apat na lanes ay naging walong lanes na ito.
Sinabi naman ni Corpuz na bukas naman ang sinuman na magsampa ng petisyon 90 araw matapos ang publikasyon nito at saka didinggin ng board upang mabatid kung may rason na ipawalang-bisa ito.
Umani ng pagbatikos at pagtutol mula sa transport sector ang naturang toll increase dahil lubhang maapektuhan ang takbo ng kalakalan, istudyante at manggagawa na bumibiyahe patungong National Capital Region.
Nabatid na mula P22 ay magiging P77 ang babayaran ng mga sasakyang Class 1 habang P155 mula P43 ang Class 2 at mula P65 ay madagdagan ng P167 ang babayaran ng Class 3.
Kaugnay nito, sinabi ni Engr. Homer Mercado, Pangulo ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (Pboap) at ng Southern Luzon Bus Operators Association (Soluboa) na hihingi sila ng dagdag pasahe na 10 hanggang 20 centavo fare increase sa kasalukuyang pasahe na P1.65 kada kilometro sa mga airconditioned provincial buses at P1.30 sa regular buses. Danilo Garcia/Angie dela Cruz