MANILA, Philippines - Dinipensahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang gagastuhin nilang P200 million sa pagpapaayos sa Quirino Grandstand sa Rizal park kung saan gaganapin ang inagurasyon nina President-electi Noynoy Aquino at Vice President-elect Jejomar Binay.
Ayon kay Undersecretary for Luzon Romeo Momo,ang nasabing halaga ay hindi bahagi ng budget para sa paghahanda sa inaugural activities kundi regular release mula sa national government.
Nilinaw pa ni Momo na mahigit kumulang na P200 million ang total coast dahil sa malaki umano ang kanilang gagawing trabaho at ang Quirino Grandstand ay isa umano sa critical building na delikado kung may mangyaring malakas na lindol.
Iginiit pa nito na ginawa nila ang evaluation ilang buwan na ang nakakaraan noong wala pa ang schedule sa inagurasyon at inuna na rin ang Quirino Grandstand sa mga government buildings dahil ito ang “weakest building”.
Matatandaan na gumawa ang DPWH ng isang team noong mga nakaraang buwan upang mag evaluate sa lahat ng public buildings at isa ang Quirino Grandstand sa pinakamahinang gusali at maaring gumuho kung magkaroon ng malakas na lindol sa bansa kayat kailangan na umano itong i-retrofitting o i-repair.
Target ng DPWH na matapos ang pagkukumpuni sa grandstand sa June 29 upang maihanda na rin at magamit umano sa incoming inauguration.