MANILA, Philippines - Itinakda ng Commission on Elections sa buwan ng Hulyo ang registration period para sa nalalapit na pagdaraos ng Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections sa bansa na nakatakda naman sa Oktubre.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, nagpasya ang Comelec na gawin sa Hulyo 1-31 ang registration na dapat sana ay sa Hunyo 25 o 120 araw bago ang halalan sa Oktubre 25.
Gayunman, napakaaga umano ng Hunyo 25 kaya’t nagpasya silang ipagpaliban na lamang ito sa Hulyo.
Kabilang sa mga maaaring magpatala ang mga mag-15 taong gulang hanggang 18 taong gulang na.
Gayunman, ang mga mahigit ng 18 anyos pataas ang edad ay hindi na kailangang magpa-rehistro ulit, ngunit hinihikayat na magtungo sa mga local Comelec officers ang mga rehistrado na ngunit wala pang biometrics record sa poll body.
Samantala, ayon kay Sarmiento, wala pang plano ang Comelec kung automated din ang SK at Barangay polls. Ngunit, sinabi na ni Smartmatic Asia president Cesar Flores na payag sila na i-automate din ang October elections sa bansa.
Pinayuhan lamang ni Flores ang poll body na agahan ang schedule sa paghahain ng certificates of candidacy (COC) ng mga kandidato dahil kailangan nilang maiimprenta ng maaga ang mga balota para dito.